Kinalulungkot at ikinagagalit ng Bicolana Gabriela-Albay ang kalunos-lunos na sinapit ng pamilya Polvorido sa kamay ng 901st IB ng Philippine Army.
Ang patuloy na clearing operations ng militar sa Balanac, Ligao, Albay; na malapit sa Brgy Paulba na siyang pagdarausan ng Humanitarian mission umano ng Balikatan 2009, ang siyang nagbunsod ng kamatayan ng sanggol na si Rafaela Polvorido (isang taon,apat na buwang gulang) at pagkasugat ng ina nitong si Jocelyn (30 taong gulang) at mga kapatid na sina Ina (limang taong gulang) at Daisy (apat taong gulang) nitong Miyerkules, Pebrero 18, 2009.
Kasalukuyang nagkakaroon noon ng session ang mga opisyal ng baranggay Balanac nang may marinig na putok, dito biglang nagtakbuhan ang mga baranggay officials. Nang mataranta din ang mga militar, walang awa nilang pinuntirya ang bahay ni Eufemia Polvorido.
Sinunog ng mga militar sa pamamagitan ng pagbomba ang bahay na ito na kasalukuyang kinaroroonan ng mag-anak ni Jocelyn, habang niraratrat din ng militar ang mga nagtatakbuhang sibilyan. Namatay ang sanggol na si Rafaela matapos itong magtamo ng malaking sugat sa ulo dulot ng shrapnel ng bombang tumupok sa bahay.
Sa kasalukuyan, nakatira ang pamilya Polvorido sa baranggay hall. Hanggang ngayon, may trauma pa rin sa nangyari ang mga batang sina Jullus at Nene Polvorido, na kasabay ni Eufemia nang bombahin ang kanilang bahay.
Matinding pinsala at takot ang dinulot ng operasyong militar sa Barangay Balanac. Walang pasok angBalanac Elementary School nang dinatnan ng Fact Finding Mission team ang lugar. Natakot ang mga guro at estudyante sa pangyayari. Patuloy pa rin ang ginagawang operasyon ng mga militar sa mga baranggay sa Albay para sa preparasyon sa Balikatan.
Kapansin-pansin din ang presensya ng napakaraming myembro ng Philippine army na nasa mga kostal na baranggay ng Legazpi, Sto. Domingo, Tiwi, Tabaco at Bacacay, Albay. Nagsasagawa din ng mga pulong-pulong ang Philippine Army sa mga kostal na baranggay at nagpapaliwanag kaugnay sa Balikatan.
Sa mga ginagawang panimulang clearing operations pa lamang ng militar, ang mga simpleng mamamayan ay nawawalan na ng kabuhayan, bahay at buhay upang bigyang daan ang Balikatan 2009. Ibig ding sabihin nito, higit pa ang daranasin ng mga mamamayan sa pagsimula ng Balikatan.
Nagiging malinaw dito ang paggamit sa humanitarian missions na ginagamit ng mga militar ay panabing lamang nila sa kanilang military operations. Panunuhol lamang ito upang matanggap ang presensya ng mga Kano sa mga kumunidad na paglulunsaran ng Balikatan.
Dahil sa mga maliwanag na dahilan, ang Bicolana Gabriela Albay ay naniniwala na walang magandang maidudulot ang Balikatan 2009 at ang patuloy na militarisasyon sa kanayunan.
Monday, February 23, 2009
Bicolana - Gabriela Albay Chapter Condemns AFP and Balikatan for the Tragedy in Ligao, Albay
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment