Makabayang Drayber At Operator
Magkaisa, Isulong ang Welga!
Reference: Joel Ascutia – President, CONDOR-PISTON (0915.3199469)
SA PAGPASOK NG 2009, ramdam na ramdam ng mga Bikolanong drayber at maliit na transport operator ang krisis. Matinding hagupit sa kabuhayan ang matinding krisis pang-ekonomya, na pinakamatindi sa kasaysayan. Kapos na kapos ang arawang kita ng mga tsuper sa gitna ng nagtataasang presyo ng mga bilihin. Malayong-malayo ang agwat ng kita sa istandard na mahigit P600 na dapat kinikita ng isang pamilya (na may anim na myembro) para matugunan ang mga batayang pangangailangan.
Dagdag na pasanin ang pagpataw ng DOTC at LTO ng dagdag na mga bayarin at multa upang “disiplinahin” umano ang sektor ng transportasyon. Ang pera na dapat sana’y napupunta sa mga hapag-kainan ng pamilya ay legal na nanakawin at pagpapasasaan ng mga tiwali sa gubyerno.
Dobleng kalbaryo para sa sektor ng transportasyon ang palagian nang serye ng oil price hike, mataas na presyo ng imported na mga spareparts at iba pang maintainance ng sasakyan, na mas pinasahol pa ng Value-Added Tax (VAT) sa petrolyo at patung-patong na pasakit na mga buwis.
Limang beses nang tumaas ang presyo ng petrolyo mula noong Pebrero
Sa deregulasyon ng industriya ng langis sa bansa, tuluyan nang napasakamay ng mga kartel ang kontrol sa presyo ng petrolyo. Ipinaubaya na ng gubyerno sa mga kapitalista ang industriya ng langis. Ang deregulasyon ang nagbigay-laya sa Big 3 (Caltex, Petron at Shell) na magtaas ng presyo ng produktong petrolyo at magkamal ng dambuhalang tubo. Hindi mapipigilan ang pagtaas ng presyo ng langis hangga’t idinidikta ito ng pagka-gahaman ng mga korporasyong transnasyunal.
Ang pagtaas sa presyo ng petrolyo ay hindi lamang isyu ng mga drayber at operator ng mga sasakyan kundi isyu ng buong sambayanan, na tuwirang maaapektuhan sa iniluluwal nitong pagtaas ng presyo ng mga pangunahing gastusin at bilihin, pamasahe, kuryente, tubig, pagkain, upa sa bahay, damit, matrikula, gamot at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan.
Dagdag na kastigo ng LTO sa mga tsuper ang dagdag na mga bayarin at multa
Latigo sa naghihikahos nang mga tsuper ang pagtaas ng singil ng LTO sa mga bayarin sa lisensya ng mga drayber at multa sa mga traffic violations (mula 200% hanggang 1200% ang itinaas kung ibabatay sa 1992 LTO rates).
· Revised Schedule of Fees & Charges on Driver's License and Conductor's (DOTC Department Order #2008-38)
· Revised Schedule of LTO Fines and Penalties for Traffic Violations (DOTC Department Order #2008-39)
Dagdag na Pasakit ang EVAT at patung-patong na mga buwis
Patung-patong ang mga buwis na pinapasan ng mamamayan subalit hindi naman ito naibabalik sa serbisyong panlipunan. Sa dikta ng imperyalistang US, ipinatutupad ng gubyerno ang sistema ng pagbubuwis at mga patakarang pang-ekonomyang lalong nagpapahirap sa mamamayan. Patuloy na tinatapyasan ang badyet para sa kalusugan, pabahay at edukasyon habang talamak ang korapsyon at patuloy na nagpapasasa sa kabang-yaman ang pamilya at mga alipures ni GMA.
Karaniwang mamamayan ang pumapasan ng buwis sa petrolyo at mga produkto. Lalo nitong kinikitil ang buhay ng mga naghihikahos. Kung tatanggalin ng gubyerno ang VAT sa petrolyo, agad na bababa ang presyo nito ng 12 porsyento. Tinatayang bababa ng P4 kada litro ang presyo ng petrolyo at P60 per 11-kg sa presyo ng LPG, at makakagaan sa mga industriyang pinapatakbo ng langis.
- Pabigat na buwis sa sektor ng transportasyon.
Tumaas ng 2,600% ang Common Carrier Tax (CCT o BIR Regulations #9-2007). Ito ang sinisingil na buwis sa buwanang income ng operator. Obligado silang bayaran ang CCT pagkat di mare-rehistro ang kanilang mga sasakayan kapag walang BIR receipt. Buwis umano ito para sa pagmantini ng mga kalsada, na napupunta lamang sa bulsa ng mga korap sa gubyerno.
- Mataas na presyo ng spare parts sa sasakyan
Patung-patong na buwis ang ipinapataw sa imported na mga spare parts at sasakyan, na kalakha’y gawa sa US at iba pang kapitalistang bansa.
DOTC Department Order #2008-39 at #2008-38, Ibasura!
BIR regulations #9-2007 o Common Carrier Tax (CCT), Ibasura!
No to Oil Price Hike!
Oil Deregulation Law, Ibasura!
CONDOR-PISTON (Concerned Drivers and Operators for Reforms, Inc.)
Abril 23, 2009