Sunday, April 26, 2009

Tagumpay ang Transport Strike sa Bikol
85% ng mga pampublikong sasakyan lumahok
Reference: Joel Ascutia – President, CONDOR-PISTON (0915.3199469)

Lumahok ang 85% ng sektor ng transportasyon sa Regional transport Strike ngayong araw. Pinangunahan ng CONDOR-PISTON ang malawakang transport strike sa Bikol. Paralisado ang pampublikong transportasyon sa prubinsya ng Albay, Sorsogon, Camarines Norte at bahaging Rinconada (Iriga, Nabua,Baao, Bula, Bato, Buhi) sa Camarines Sur.

Hinaing ng mga driver at maliliit na transport operators ang ipinapataw ng DOTC at LTO na dagdag na mga bayarin at multa upang “disiplinahin” umano ang sektor ng transportasyon.

Bitbit ng mga tsuper ang pagtaas ng singil ng LTO sa mga bayarin sa lisensya ng mga drayber at multa sa mga traffic violations (mula 200% hanggang 1200% ang itinaas kung ibabatay sa 1992 LTO rates).May nakasampang petisyon ang CONDOR-PISTON para ibasura ang sumusunod:

Revised Schedule of Fees & Charges on Driver's License and Conductor's (DOTC Department Order #2008-38)
• Revised Schedule of LTO Fines and Penalties for Traffic Violations (DOTC Department Order #2008-39)


Ayon sa Regional President ng CONDOR-PISTON na si Joel Ascutia, ang pera na dapat sana’y napupunta sa mga hapag-kainan ng pamilya ay legal na nanakawin at pagpapasasaan ng mga tiwali sa gubyerno.

Dobleng kalbaryo para sa sektor ng transportasyon ang palagian nang serye ng oil price hike, mataas na presyo ng imported na mga spareparts at iba pang maintainance ng sasakyan, na mas pinasahol pa ng Value-Added Tax (VAT) sa petrolyo at patung-patong na pasakit na mga buwis, ayon pa kay Ascutia.


CONDOR Update mula sa mga lokal na lider


Motor-Legazpi (Albay) --Umabot sa 99% ang mga jeepney drivers at operators ang nagtigil pasada; 95% ng mga tricycle drivers; 80-85% ng mga byahe ng bus at van na palabas at papasok sa prubinsya ang nakiisa sa transport strike mula kaninang alas-6:00 ng umaga. (Romy Barbudo)

CONDOR-Guinobatan (Albay)--Paralisado ang byahe ng mga jeepney at tricycle sa mga bayan ng Guinobatan, Polangui, Ligao at Oas sa ikatlong distrito ng Albay. Nagtipon ang mga driver sa intersection ng Guinobatan, Albay kung saan naka-pwesto ang CONDOR Mass Action Center. Pinapaliwanagan at hinihikayat ng mga myembro ng CONDOR ang mangilan-ngilan pang tricycle drivers na dumadaan. (Noy Rodriguez)

CONDOR-Camarines Norte -- Nagtigil pasada ang 75% ng mga drivers at operators ng jeepney at tricycle sa Daet, at paralisado din ang transportasyon sa iba pang mga bayan. Di nagbyahe ang Lahat na bus at van (long distance route). Wala ring byahe ang lahat ng ruta ng jeepney sa interior barangays dito. (Tony Salvador)

PORTA-Sorsogon -- Umabot sa 80% ng mga bus drivers at operators na nagtigil pasada sa Sorsogon. Sa Sorsogon City, Lumahok din ang ilang organisasyon ng mga jeepney at tricycle drivers. (Eduardo Ferreras)

CONDOR-Rinconada (Camarines Sur) -- Umabot sa 80% ng transport sektor sa mga bayan ng Iriga, Nabua, Baao, Bula, Bato at Buhi ang nakiisa sa transport strike. Nakapwesto din ang CONDOR Mass Action Center ng mga drayber sa Plaza Quince Martires sa Naga City na naghihikayat ng suporta sa isinasagawang transport strike. (Ken Serrano)

No comments:

Post a Comment