BAGONG ALYANSANG MAKABAYAN - SORSOGON
Pahayag Sa Media
Enero 8, 2009
ANG BALIKATAN AY INSTRUMENTO NG
PANDAIGDIGANG TERORISMO NG US SA PILIPINAS
PANDAIGDIGANG TERORISMO NG US SA PILIPINAS
Nandito na sa Lalawigan ng Sorsogon ang BALIKATAN, isang magkasanib na ehersisyong militar ng armadong pwersa ng US at ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA) at Mutual Logistics Support Agreement (MLSA). Layunin diumano ng BALIKATAN na sanayin at paunlarin ang kakayahan ng AFP sa pagsugpo sa terorismo.
Isinagawa na ang BALIKATAN sa iba’t ibang panig ng Pilipinas: sa Gitnang Luzon, Basilan, Sulu, Zamboanga, at iba pang mga probinsya sa Gitna at Kanlurang Mindanao. Nag-iiwan ng malaking pinsala sa kalikasan, kapaligiran, at pamumuhay ng mamamayan ang BALIKATAN, huwag nang banggitin pa ang napakaraming malulubhang paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayang naninirahan sa mga lugar na pinagdausan nito. Taliwas ito sa ipinangakong pag-unlad ng mga komunidad sa sandaling ang BALIKATAN ay idaos sa mga ito..
Mariing tinututulan ng BAYAN-Sorsogon ang paglulunsad ng BALIKATAN dito sa ating lalawigan:
Una, ito ay labag sa soberanya at panteritoryong integridad ng Pilipinas. Ito ay labag din sa ating Saligang Batas na nagbabawal ng pagkakaroon ng dayuhang base militar at dayuhang tropang militar sa ating bayan;
Pangalawa, ito ay hindi para sa interes ng sambayanang Pilipino, kundi para sa mapandambong na pang-ekonomiyang interes at disenyo ng imperyalistang US sa Pilipinas;
Pangatlo, ito ay mas lalong magpapalubha sa sitwasyon ng insurhensya sa ating lalawigan. Napakalaking banta sa kapayapaan ng lalawigan ang presensya ng mga tropang Amerikano dito;
Pang-apat, katulad ng nangyari sa Basilan at Sulu, ang BALIKATAN dito sa atin ay maaaring humantong sa pagkalulubhang paglabag sa karapatang pantao ng mga sibilyan tulad ng walang pakundangang pamamaril, panununog ng bahay, sapilitang pagpapalikas, paninira ng mga ari-arian at komunidad, pamamaslang, pananakit at marami pang iba;
Panglima, ito ay magiging dahilan ng paglaganap ng prostitusyon at pagkalat ng mga nakahahawang sakit na tulad ng AIDS, herpes, syphilis at gonorrhea, at paglaganap din ng mga droga at kriminalidad at iba pang gawaing anti-sosyal sa lalawigan; at,
Panghuli, ipinaiilalim nito ang mga lokal na pamahalaan sa sarili nitong programa sa mga lugar na pinaglulunsaran nito. Halimbawa ay ang naganap na insidente sa pagdating ng mga sundalo na magkokondukta ng inspeksyon sa Juban at Irosin na siyang site ng BALIKATAN nitong Enero 7. Isang malaking breach of protocol na ang mga tropang Amerikano ang puntahan ni Gob. Sally A. Lee sa Juban sa halip na ang mga ito ang magpunta sa luklukan ng pamahalaang panlalawigan sa Kabisera ng Sorsogon upang magbigay galang sa pinuno ng lalawigan.
Walang ganansya ang mamamayan ng Sorsogon sa BALIKATAN. Ito ay nakadisenyo sa gera at panghihimasok na hindi maaaring pagtakpan ng mga humanitarian, medical at dental missions at mga construction at infrastructure projects. Nagmamaskara lamang ang imperyalismong US sa likod ng mga proyektong ito. Ang tunay na mukha at intensyon ng US ay makikita sa gerang agresyon nito sa Iraq at Afghanistan at panghihimasok sa mga bayang lumalaban sa imperyalistang pandarambong.
Huwag tayong magpapalinlang. Hindi ang mga kilusan sa pambansang pagpapalaya, mga pambansang demokratikong organisasyon, at mga mamamayang lumalaban sa US ang mga terorista. Ang US ang NUMERO UNONG TERORISTA sa buong daigdig.
No comments:
Post a Comment