Wednesday, January 21, 2009

SUMABA KA (Speak Out!) Against Balikatan!

Pahayag ng SUMABA KA ( SPEAK OUT ) hinggil sa Balikatan
Rev. Lemuel S. Igdanes, Provincial Spokesperson

Ang SUMABA KA (SPEAK -OUT) ay isang malawak at nagkakaisang patriotikong organisasyon sa lalawigan ng Sorsogon, mga nagmamahal sa kapayapaan at soberenya ng bansang Pilipinas ay mariing tinututulan ang pagsasagawa ng BALIKATAN 2009 dito sa BIKOL nayong darating na Abril 2009.

Kagyat naming pinagkakaisa ang aming mga tinig at nananawagan sa lahat ng mamamayan ng Sorsogon na maging mapagbantay sa gagawing BALIKATAN Exercises ng AFP at tropang militar ng Kano. Pinaninindigan namin sa muli na ang SORSOGON ay handang muling ipaaabot ang kanyang tinig gaya ng mga naunang pagtutol sa anumang ikasisira ng buhay at pagyurak sa sangnilikha.

Mariin naming tinututulan ang pagpasok ng nasabing “pagsasanay militar” at makataong pag tulong sa pamamagitan ng “humanitarian missions” na isasagawa at gagawin sa loob ng anim na buwan simula Abril 2009.

Sa katotohanan sila ay nagsimula na noon pang Enero 7, 2009 na hindi man lamang dumaan sa tamang proseso at protocol. Hindi sila ngbigay ng kaukulang respeto sa opisina ni Governor Sally Lee. Repleksyon mismo ito ng kanilang kawalan ng respeto sa soberanya at karapatan ng lokal na pamahalaan at mga lokal na mga mamamayan.

Sa halip na magbigay respeto sa opisina ng Gobernador, sila ay agad na dumiretso sa munisipalidad ng Juban. Si Mayor Fragata nakausap at nakadaupang palad ni Capt. Kelly Schmader, Commandeer ng 13th NavalConstruction Regiment ng US Pacific Fleet.

Kung magtutuloy tuloy ang ganitong kawalang respeto sa lokal na pamahalaan ano pa kaya sa mga ordinaryong mamamayan ng Sorsogon at iba pang karatig probinsya?

Tinututulan namin ang BALIKATAN 2009 at ipinaaabot ang mga maaaring maging epekto nito sa buhay, ariarian ng mamamayang Pilipino na nasa Sorsogon kung saan apat na munisipalidad ang sasaklawin:

1. Juban

2. Irosin

3. Matnog at

4. Bulan

Una,ito ay labag sa ating Saligang Batas at panteritoryong integridad. Ayon sa Section1 @ 25 of Article 11 ng Konstitusyon ng Plipinas na nagbabawal ng pagkakaroon ng dayuhang base militar at tropang militar sa ating bansa.

Ikalawa, ito ay para sa tinatawag na “global hegemony at expansion of territory” ng US upang ang kanilang eonomikong interes ay lumago. lalot higit na humaharap ngayon ang US sa isang global financial crisis, potensial ang Pilipinas na pagkukunan ng hilaw na materyales gaya ng ginto, bakal oro at iba pang yamang mineral sa pamamagitan ng pagtatayo ng transnational na korporasyon na magmimina sa ating mga bundok, sa pahintulot ng GMA pamahalaan.

Ikatlo,mas lulubha ang di-mapipigilan ang sagupaan sa pagitan ng AFP at NPA at mas lalong dadami ang madadamay na mga sibilyan. Kung susuriin, ang insurhensya ay internal na problema sa pagitan ng nag-aaway na panig ( GRP at CPP NPA NDF) a hindi kailanman dapat makialam ang US sa ganitong sitwasyon.

Ikaapat, dadami ang kaso ng paglabag sa karapatang pangtao, walang habas na pamamaril gayan ng ginawa nila sa Basilan at Sulu, sapilitang pagpapalikas,paninira ng aria-arian at pamamaslang, pananakit at pananakot sa ordinaryong mamamayan.

Ikalima, dadami at kakalat ang prostitusyon, at ang mga nakakahawang sakit gaya ng AIDS, herpes, syphilis, gonorhea at paglala ng kriminalidad at pagkakalat ng droga na makakasira sa moral na aspeto ng mga tao at buong kumunidad.

At ikaanim, dinadagdagan nito ang suliranin na pinapasan ng mamamayan ng Sorsogon. Di na nga tayo magkandaugaga sa pagpasan sa ekonomikong kalalagayan gaya ng napakataas na presyo ng prime commodities gaya ng bigas asukal atbp at sa napakababang pasahod, hirap na nga tayong maiangat at maiayos mga buhay natin anupat tayo ay paglalaruan, at aalisan ng karapatan sa sarili nating bayan.

Saan na tayo nito papunta? Hahayaan ba nating sa sarili nating bayan harap harapan tayong magdusa at maglingkod sa mga dayuhang walang ibang hatid satin kundi hirap at pasakit?

Ito na ang tamang panahon upang ang panghihimasok ng US sa ating bansa ay ating tutulan. Kung naniniwala tayong ang Pilipinas ay para sa mga Filipino, manindigan tayo at patunayang ang karapatang mabuhay ay hindi lamang para sa iilan at makapangyarihan. Ito ay regalo ng Dios sa pamamagitan ng pinagmumulan ng lahat ,kay Hesu Kristo na Panginoon at Diyos ng buhay at kasaysayan. Siya ay pumunta upang magbigay buhay at palaguin ito (Juan 10:10).

Kung mahalaga sa atin ang buhay, manindigan tayo upang protektahan ito. Hindi lamang para sa sariling kapakanan, kundi para sa buong sambayanan at mga susunod na henerasyon ng Sorsoganon na nagmamahal sa kapayapaan, katarungan , hustisya at pagmamahal at kalayaan.

Makialam ka Sorsoganon! SUMABA Ka! (SPEAK OUT) para sa Buhay at Kalayaan!

No comments:

Post a Comment