Tuesday, January 20, 2009

A Resounding STOP BALIKATAN! - CONDOR-PISTON Bicol

PAHAYAG SA MIDYA
Enero 20, 2009
Reference: JOEL ASCUTIA, Regional President – PISTON Deputy Secretary General (09153199469 / 4834624)

RP-US BALIKATAN Exercise, Instrumento para sa Higit na Proteksyon sa Industriya ng Langis at sa Interes ng Estados Unidos!

BALIKATAN Exercise TUTULAN AT LABANAN!

Tinututulan ng CONDOR-PISTON-BICOL ang pagsasagawa ng ika 25 RP-US BALIKATAN Exercise sa Bikol. Ito ay tahasang paglabag sa soberanya, integridad at mga probinsyon sa Saligang Batas ng bansa.

Ito ay pagyurak sa kalayaan ng bansa at direktang panghihimasok sa internal na mga usaping dapat ay responsalidad ng ating gubyerno. Ang pagpasok ng mga sundalong Amerikano ay magdudulot ng mas malalalim na suliraning sosyal dahil sa pagdisrespeto sa ating kultura, tradisyon, relihiyon at kababaihan.

Ang RP-US BALIKATAN Exercise ay ang magkasanib na ehersisyo militar ng mga sundalong Amerikano at sundalong Pilipino. Sa bahagi ng mga sundalong Pilipino, layunin nitong mapamilyarisa at matuto sa mga makabagong teknika sa pakikidigma partikular sa paggamit ng mga sopistikadong kagamitan at sandatang pandigma.

Sa kabilang banda, matuto naman ang mga sundalong Amerikano sa mga bagong operasyong pangkombat sa mga kagubatan ng bansa.

Kung kaya’t hindi kami naniniwala sa sinasabi ng mga tagapagsalita ng BALIKATAN na “purong humanitarian mission” ang pakay nito, ito ay isa lamang na panlilinlang at panloloko sa mamamayan para maisagawa ang mas madilim na pakay nitong maglunsad ng mga operasyong militar laban sa mga mamamayang tumututol sa paghahari ng Estados sa buong mundo at sa rehimeng Arroyo bilang pinakamasugid na tagasunod nito sa bansa.

Sa pangunguna ng sektor ng tranportasyon at CONDOR-PISTON sa Bikol, naitambol natin sa bansa at sa buong daigdig ang ating malakas na panawagang buwagin ang pandaigdigang kartel sa industriya ng langis. Isa sa pangunahing pinagkukunan ng limpak limpak na kita ng Estados Unidos ang pagmamay-ari sa mga dambuhalang kumpanya ng langis gaya ng PETRON at CALTEX na siya ring nagdodomina sa bansa.

Sa bisa ng OIL DEREGULATION Law, nais ng US na manatili ang kanyang kontrol sa negosyong ito at tahasan nitong gagamitin ang kanyang pwersang militar para nyutralisahin at supilin ang higit pang lumalakas na paglaban ng sektor kasama ang buong mamamayang Bikolano at Pilipino.

Naninindigan din kami na hindi kailangang magsagawa muna ng BALIKATAN Exercise kung seryoso ang gobyernong Arroyo na tugunan ang problema ng mamamayan Bikolano sa kagutuman, kalusugan, eskwelahan at iba pa.

Hindi rin kailangan ang mga sundalong Amerikano para magpatupad nito dahil mayroon tayong mga ahensya at organisasyong sibiko na may ma kakayahan at karanasan sa pagpapatupad ng mga proyektong ito.

Huwag tayong pumayag na insultuhin at bastusin ang ating kalayaan at kasarinlan ng NUMERO UNONG TERORISTA sa daigdig na Estados Unidos. Magkaisa tayong tutulan at labanan ang BALIKATAN Exercise sa Bicol at saanmang lugar sa Pilipinas.

Buwagin ang Pandaigdigang Kartel sa Langis!

Wakasan ang Imperyalitang Pandarambong sa Bansa at sa Daigdig!

STOP BALIKATAN!

No comments:

Post a Comment