Tuesday, January 20, 2009

Kabataang Pinoy (Filipino Youth) of Bicol Speaks Out Against Balikatan

Kabataang Pinoy-Bikol Statement:
Reference: Journey Alfonso, Spokesperson

ANG KABATAANG PINOY-BIKOL AY KONTRA SA BALIKATAN

Kaming mga Kabataang Bikolano ng KABATAANG PINOY ay maigting na tumututol sa pagpasok ng Balikatan exercises sa Kabikulan. Walang ibang hatid ang pagdating ng tropang militar ng Kano kundi ang pamamaslang, paninira at pangwawasak ng kabuhayan at mismong buhay nating mga Bikolano.

Hindi makakatulong sa pag asenso ng ating rehiyon at bansa ang tropang militar ng Kano. Bagkus, lalo lang iigting ang kaguluhan. Kung talagang “Humanitarian Mission” lamang ang kanilang sadya, bakit hindi ang Red Cross na lamang ang maglunsad nito? Pinalalabas lamang nila na Humanitarian Mission ang pakay upang malinlang ang mga tao at malaya nilang magawa ang tunay na anti-mamamayang misyon sa ating rehiyon.

Siguradong lalaganap na naman ang paglabag sa mga Karapatang Pantao sa ating bansa. Hindi pa ba sapat ang sakripisyo’t kahihiyan na dinanas ni Nicole at kanyang pamilya sa kamay ni Smith at iba pang kasamahang sundalong Kano?

Napatunayan nga ng hukuman na nagkasala ang Amerikanong sundalong ito at nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo,ngunit ngayon ay pinalaya at nakabalik na sa sariling bayan.

Ang kaso ni Nicole na isang kabataang Pilipina ay pagpapatunay sa pagpoprotekta ng tropang Kano ng Balikatan. Hindi makatarungan ang batas. Ang nangyari kay Nicole ay maaring maulit kung hahayaan na lamang natin ang paglulunsad ng Balikatan Exercises dito sa Bikol.

Tutulan natin ang Balikatan, para sa katahimikan ng Bikol.

Tutulan natin ang Balikatan at siguarduhing hindi na lumala pa ang talamak na prostitusyon, droga, sex scandals, pang aabuso, at mismong pagyurak sa Karapatang Pantao nating mga Bikolano.

Tutulan natin ang Balikatan upang hindi na mas lumala pa ang pagdanak ng dugo ng maraming sibilyan.

Huwag nating hayaang makapasok ang Tropang Kano sa ating Rehiyon na maaring magpakalat ng mga sakit tulad ng AIDS, Syphilis, atbpang klase ng sexually transmitted diseases o STD.

Hindi ang Balikatan Exercises ang sagot sa kahirapan, at hindi ito ang solusyon sa kagutuman. Huwag tayong magbulag-bulagan, alamin natin ang magiging epekto nito sa ating bayan.

Huwag basta paniwalaan ang kasinungalingang sinasabi ng gobyerno, na makakatulong ito, at ito ay para rin sa ating kapakanan, dahil alam naman nating pansariling interes lamang ang iniisip ng may mga katungkulan sa gobyerno at hindi ang kapakanan nating mga mamamayang sibilyan.

Huwag hayaang dalhin sa Bicol ang gerang nangyayari na sa Mindanao,
Maigting nating isigaw: NO TO BALIKATAN!!!

No comments:

Post a Comment