Kanselasyon ng Balikatan sa Bicol ipinanawagan
IPINANAWAGAN ni Gabriela Rep. Luz Ilagan ang kanselasyon ng Balikatan Exercises sa Bicol dahil sa maraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng mga sundalong Kano sa Mindanao.
Inanunsiyo kamakailan ng Armed Forces of the Philippines na magsisimula sa Abril ang Balikatan Exercises, ehersisyong militar sa pagitan ng US at Pilipinas, sa mga probinsya ng Albay, Masbate, at Sorsogon sa rehiyon ng Bicol.
Pero ayon kay Ilagan, sa mga lugar sa Mindanao na pinaglulunsaran ng Balikatan Exercises, "naghahasik ng terorismo ang mga sundalong Kano sa mga sibilyang komunidad, at kailanman hindi sila pinapanagot sa ilalim ng batas dahil sa immunity na ibinibigay mismo ni Pangulong Arroyo."
Inihalimbawa ng kongresista ang kaso ni Arsid Baharun of Zamboanga City na nasugatan sa testing missions ng mga sundalong Kano noong 2004. Noong 2006 naman, nasugatan ang 50-anyos na si Bizma Juhan nang sumabog ang isang bomba sa ehersisyong militar ng mga tropang Kano sa Indanan, Sulu.
Nauna nang binatikos ng National Democratic Front- Bicol ang Balikatan Exercises na umano'y layong durugin ang mga komunistang rebeldeng New People's Army.
"Walang bandidong Abu Sayyaf o anumang teroristang grupo sa Bikol, at wala ring malalang kalamidad sa nakaraang dalawang taon upang gawing batayan ng Balikatan. Malinaw na ang tunay na pakay ng tropang US ay makialam sa palpak na counter-insurgency program ng AFP," pahayag ni Greg Banares, tagapagsalita ng NDF-Bicol.
Aniya pa, layon ng mga tropang Kano na isarbey ang mga kalupaan sa rehiyon para tiktikan ang NPA at para mapakinabangan ng mga kompanyang US na interesado sa mga likas-yaman doon.
Labag umano ito sa pambansang soberanya at integridad sa teritoryo ng Pilipinas.- Pinoy Weekly Online
No comments:
Post a Comment